Noong unang panahon,
sa isang nayon sa Baguio na kung tawagin ay Suyak
ay may naninirahang mga Igorot na pinamumunuan ni Manto.
Si Manto ay bata pa,
Ngunit siya ang pinakamalakas at pinakamatapang sa kanilang nayon,
kaya siya ang ginawang lider ng matatandang pantas.
Namuhay lang sila nang tahimik sa nayong iyon.
Maibigin sila sa kanilang kapwa at may takot sa kanilang Bathala.
Taun-taon ay agdaraos sila ng kanyaw bilang parangal sa kanilang anito.
Ang kanyaw ay isang pagdiriwang sayaw ng mga Igorot.
Isang araw,
Si Manto ay pumunta sa gubat upang mamana ng ibon.
Hindi pa siya lubusang nakalalayo ay nakakita na siya ng isang uwak.
Karamihan sa mga ibon ay mailap
maliban sa uwak na ito.
Lumakad si Manto papalapit sa ibon ngunit ito ay hindi parin tumitinag.
Bigla siyang napatigil sa kanyang nakita nang ang agwat nila ng ibon ay isang dipa na lang.
Tinitigan siya ng ibon at saka tumangong tatlong beses
bago tuluyang lumipad.
Matagal na natigilan si Manto.
Bagama't siya ang pinakamalakas at pinakamatapang
ay nakaramdam din siya ng takot.
Hindi niya mawari ang kahulugan ng kanyang nakita.
Hindi na niya ipinagpatuloy ang kanyang pamamana at siya ay bumalik sa nayon.
Nakipagkita siya sa mga pantas at isinalaysay ito.
"Marahil ang ibong iyon ay sugo ng ating Bathala,"
ang sabi ng isang matanda.
"Ipinaalala sa atin na magdaos na tayo ng kanyaw."
Ang pasya ni Manto,
"kung gayon, ngayon din ay magdadaos tayo ng kanyaw."
Ipinagbigay-alam sa lahat ang pagdiriwang na gagawin.
Ang mga mamamayan ay kumilos upang ipagdiwag ang paggawa ng altar sa bulubundukin.
Ang mga babae ay nagluto ng masasarao na pagkain.
Nag-alay sila ng baboy sa kanilang Bathala upang mapawi ang galit kung ito man ay galit.
Inilagay ang baboy sa altar.
Nasaksihan nila ang himala.
Ang baboy ay naging isang napakatandang lalaki.
Natigilan,
nanlaki ang mga mata at natakot ang mga tao.
Nagsalita ang matanda,
"Huwag kayong matakot, dahil kayo ay may mabubuting loob sa inyong Bathala ay gagantinpalaan ko kayo.
Sundin lamang ninyo ang aking ipinagbibilin."
Patuloy ang matanda,
"kumuha kayo ng isang tasang kanin at ilagay ninyo dito sa tabi ko.
Pagkatapos ay sukluban ninyo ako ng isang malaking palayok.
Ipagpatuloy ninyo ang inyong kanyaw.
Pagkalipas ng tatlong araw ay bumalik kayong muli sa pook na ito.
Makikita ninyo ang isang punungkahoy na sa buong buhay ninyo ay hindi pa ninyo nakikita.
Ang bunga ay maaring kanin ngunit ang katawan ay huwag gagalawin o tatanggalin man lang."
Tinupad naman ng mga tao ang ipinagbilin ng matanda.
Pagkalipas ng tatlong araw ay bumalik sila sa pook na iyon.
Nakita nila ang isang munting punungkahoy.
Ito ay kumikislap sa liwanag ng araw
lantay na ginto mula sa ugat hanggang sa kaliit-liitang dahon.
Sa maikling panahon,
yumaman ang taga Suyak
ngunit napalitan ng pag-iimbot.
Ang punong kahoy naman at patuloy sa pagtaas hanggang sa hindi na ito maabot ng tingin ng tao.
Isang araw,
nagkasundo ang mga mamamayan na putulin at paghati-hatian ang bunga o dahon ng punong ginto.
Tinaga nila ang puno at nang malapit nang mabuwal
ang punong kahoy
ay kumidlat at kumulog.
Ang punong kahoy ay nabuwal, nayanig ang lupa at bumuka sa lugar na kinabagsakan.
Isang tinig ang narinig ng mga tao.
"Kayo'y binigyan ng gantimpala sa inyong kabutihan ngunit kayo'y naging sakim
at nawala ang pagmamahalan sa bawat isa.
Kayo'y maghihirap sa paghuhukay sa lupa bago mapasainyo ang ginto."
Pagkasabi ng mga katagang ito,
ang puno ay nilulon ng lupang pinagbuwalan ng punong kahoy.
Mula noon ay nagkaroon na ng minang ginto sa Baguio at nakukuha lamang ito sa pamamagitan ng paghuhukay sa lupa.
source: Batayan at Sanayang Aklat sa Pagbasa sa Filipino sa Ikalawang Baitang. YAKAL 2. YAman ng KAisipan at lengguwaheng Filipino.
images source : https://www.google.com.ph/search?q=igorot+sa+baguio&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ei=hZb9U_ClNIyD8gXYloLoBg&ved=0CAYQ_AUoAQ&biw=1242&bih=606#imgdii=_
No comments:
Post a Comment